BOTOCAN FALLS
Ang Lawa ng Kuwento at Kagandahan
Matatagpuan ang Botocan Falls sa bayan ng Majayjay sa lalawigan ng Laguna. Isa itong mataas at magandang talon na nasa kahabaan ng Botocan River. Ang talon ay may taas na humigit-kumulang 215 talampakan, na halos kasingtaas ng 20 palapag na gusali.
Kapag bumabagsak ang tubig mula sa itaas, nagiging hamog ang ibang bahagi nito dahil sa lakas ng agos. Kapag maaraw naman ang panahon, minsan ay makikita ang isa o higit pang bahaghari sa tabi ng talon dahil sa maliliit na patak ng tubig sa hangin.
Ayon sa alamat ng gintong alupihan o “golden centipede,” maraming likas na kayamanan tulad ng mga puno sa lugar na ito. Dahil rito, may mga taong nagtangkang putulin ang lahat ng puno. Ngunit ito ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa lugar tulad ng landslide. Kaya’t mahalagang igalang at pangalagaan ang kalikasan kaysa abusuhin ito para sa pansariling pakinabang.
Ang tubig mula sa talon ay bumabagsak sa ibaba na mabatong bahagi bago dumaloy sa ilog na napapalibutan ng matatarik na bato at halaman. Malapit ito sa maliit na komunidad ng Bakia. May tulay sa lugar na kilala bilang Bakia Bridge kung saan maaaring makita ng mga tao ang itaas na bahagi ng talon. Sa ngayon, wala pang ligtas na daanan papunta sa mismong ilalim ng talon, kaya kadalasang mula sa tulay o sa itaas lamang ito napagmamasdan. Ngunit kahit hindi madaling puntahan ang ibaba nito, nananatiling isang kahanga-hangang tanawin ng kalikasan sa Majayjay ang Botocan Falls, at paalala rin ng mga kuwentong-bayan na pahalagahan at igalang ang kalikasan.